MANUEL T. ALBERO: MULA CAPIZNON TUNGONG SIMARANHON

Tuesday, 22 June 2010 23:40 administrator
Print

MANUEL T. ALBERO: MULA CAPIZNON TUNGONG SIMARANHON
By: Prof. Kristoffer R. Esquejo

 

Posted on this website with permission from the author. Originally published online on December 19, 2009.
Photos,  courtesy of Darlina F. Falceso

 

Alam n’yo bang mayroon lamang dalawang historical markers ang National Historical Institute (NHI) sa ating lalawigan hanggang sa kasalukuyan? Ang pinakauna ay nasa isla ng Simara (Corcuera) para kay Manuel T. Albero at ang isa ay nasa Alcantara para sa Battle of Sibuyan Sea. Nakakalungkot malaman na mismong ang dalawang makasaysayang kuta at lumang Simbahang Katoliko na orihinal na pinagawa ng mga Rekoletos sa Romblon ay hindi pa rin nabibigyan. Magkagayunpaman, mapapaisip ang sinuman kung ano kaya ang nagawa ni Albero at nabigyan siya ng ganoong parangal.

 

Sino ba si Manuel Teodosio Albero? Isinilang sa Capiz noong 1893, siya ay nakapag-aral at nagtapos ng abugasya sa Escuela de Derecho (Manila Law College ngayon) sa kabila ng pagiging working student. Bagama’t malaki ang naghihintay na kapalaran sa kanya kung bumalik siya sa Capiz o manirahan sa Maynila, hinayaan niya ang sarili na madestino bilang Justice of the Peace ng Tres Islas, ibig sabihin Banton, Sibale at Simara. Sa pananatili sa Simara, unti-unti siyang napamahal sa mga Simaranhon na lalo pang tumindi at nanatili hanggang kanyang kamatayan.

 

Tiyak na sasang-ayon sa akin ang nakararaming Romblomanon na bibihira, kung di man imposible, para sa isang hindi taga-Romblon ang mahalal sa pulitika ng lalawigan. Laganap kasi ang paniniwala na sobrang maka-pamilya o matibay ang pagkakabuklud-buklod nating mga Romblomanon sa mga kalahi. Hangga’t maaari nga ay iboboto ang sariling kadugo kahit pa malayong kamag-anak na ito sa atin. Natatangi ang kaso ni Albero dahil bagama’t hindi siya taga-Romblon ay nakuha niyang manalo ng ilang ulit sa halalang panlalawigan. Katunayan, nahalal siya ng tig-dalawang ulit bilang Provincial Board Board Member (1922-1928) at Gobernador (1928-1934). Dalawa sa pangunahing mga nagawa ni Albero ay ang pagkatatag ng dalawang bagong bayan sa ating probinsya: una, ang Corcuera (dating bahagi ng Banton) noong 1931 at Magdiwang (kilala dati bilang Magallanes at dating bahagi ng Cajidiocan) noong 1933. Hindi na ito nakakapagtaka lalo’t patuloy siyang kinikilala ng mga taga-Magdiwang dahil sa pagkakaroon nila ng Plasa Albero bilang parangal sa kanya.

 

Bakit nga ba ganoon katagumpay si Albero sa kabila ng pagiging hindi taal na Romblomanon? Ayon sa panayam ko sa kanyang nag-iisang anak na si Gng. Virginia Albero-Lanzona, lumilitaw na mayroong tatlong dahilan kung paano nakuha ng kanyang ama ang loob ng mga taga-Romblon. Una, ang ina ni Albero ay tubong Magdiwang din – si dating Bb. Calixtra Azores na nagkataong nakapangasawa ng taga-Panay. Ikalawa, nakapangasawa siya ng isang dalaga mula sa angkang Perez ng Banton. Ikatlo, matagal din siyang nakapaglingkod bilang popular na abugado sa Romblon, Romblon.

 

Pero hindi nagtatapos sa pagiging Gobernador ang kanyang karera sa pulitika. Ito ay ang kanyang pagkahalal bilang isa sa dalawang delegado ng Romblon sa 1934 Constitutional Convention. Ang isa ay si Antonio J. Montesa ng San Agustin. Dahil isang abugado, nakilala siya sa pagsusulong ng isang kontrobersiyal na panukala na naging bahagi ng Saligang Batas ng 1935 – ang local autonomy bill. Dahil noong kanilang kapanahunan ay kilala si Pangulong Manuel L. Quezon sa pagiging mapanghimasok sa mga usaping lokal, tinakdaan ng kanyang panukala ang ganitong kapangyarihan. Bunga nito, nakilala siyang “Ama ng Local Autonomy Act” na makikita nga doon sa historical marker ng Simara.

 

Pagkatapos ng pagiging delegado, bumalik siya sa pagiging huwes sa Simara hanggang sa magretiro noong 1958. Lubusan nang inangkin ni Albero ang pagiging Simaranhon hindi lamang dahil narito ang kanyang trabaho kundi dahil narito na rin ang kanyang pamilya. Bagama’t hindi mabubura ang katotohanang isa siyang Capiznon, inangkin na niya ang Simara kaya itinuring na siyang “anak ng Simara.” Bagama’t sumakabilang buhay na siya noon pang 1973, mapapatunayan sa kanyang buhay na kung hindi mo man mapili ang iyong lugar ng kapanganakan, nasa iyong kamay naman ang pagpapasya kung saan mo gusto ibuhos ang iyong buhay at pangarap, tumanda at sumakabilang buhay. Samakatwid, si Manuel T. Albero ay parehong Capiznon at Simaranhon.

 

Photos of the marker site and the Marker Inscription are shown hereunder.

Manuel T. Albero marker site, in front of the Corcuera Municipal Hall

 

Manuel T. Albero Marker Inscription

Comments:

Download SocComments v1.3
Last Updated on Wednesday, 23 June 2010 00:13